Isla sa Ulan
Ralph Fonte
alinsunod kay Marjorie Evasco
Ganito ako ngayong naghahangad ng diyos
sa islang itong walang ikaw: lagót na kawad
ng kuryente dalawang linggo pagkalipas
ng bagyo. O marahil buwan na pala. Taón.
Ang alam ko lang, wala nang mga dahon
ang mga bákaw at nagkalat nang bubog
ang mga bituin. Lagi na rin akong namamaybay
sa dilim, o sa tanglaw ng mukha
ng selepono sa kabila ng lalong luningning.
Ang totoo, walang gaanong nagbabago
rito, kundi ang kalatis ng mga kalsada
at ang direksyon ng hangin. Palagi pa ring
namamatay ang katala kapag namatayan
ng kaisampugad. Marahil, kung narito ka,
mapapansin ko ang kulubot ng daan,
at hindi masusubsob sa simbahang nakadapa
sa putik. Wala ring gaanong magbabago,
hahanapin ko pa rin ang diyos
sa lumulutang mong mga hakbang, o marahil
kapag naghalikan tayo sa baybayin ay matututong
magsayaw ng flamenco ang buong bayan,
at iindak kahit ang mga gumuhong bahay.
Hindi mo na rin pala mararanasan ang lungkot
ng isang isla sa ulan. Nasaan ka na kaya ngayon?
Minsan kaming nagkita ng pari sa pantalan
sa dulo ng disyertong kinatíhan ng dagat.
Wala naman talagang nagbabago—
inuling na bakawan, mga bangka walang sikmura,
bungo ng bayakan—hindi niya ako tinanong
sa pag-iisa ko
kung nasaan ang sinasamba kong diyos,
kung saang dako ako humaharap
tuwing magdarasal. Iilaw sa ngalan mo
ang selepono. Hindi ka rin magtatanong
kung nginunguya na ba ng alon ang pulo
o kung marunong na ulit akong magmahal.