Suk Wan Neung

Gerardo Z. Torres

It is a serious thing
just to be alive
on this fresh morning
in this broken world.
--Mary Oliver

HULING linggo na ng enhanced community quarantine (ECQ. Kung pagbabatayan ang magkakahiwalay na pahayag ng mga alipores ng diktador, malamang na isasailalim na lang sa general community quarantine (GCQ) ang malaking bahagi ng Luzon sa susunod na linggo. Nangangahulugan ito na maaari nang magbalik-operasyon ang ilang industriya at negosyo, bumiyahe at pumasada ang mga piling pampublikong sasakyan, at muling magbukas ang mga mall, samantalang ipinatutupad pa rin ang mga protokol para sa kalusugan at kaligtasan kaugnay sa giyera laban sa COVID-19 (o World War C, ayon kay Tom Frieden), tulad ng pagsusuot ng face mask, palagian at wastong paghuhugas ng kamay, at pagsunod sa social o physical distancing. Kinakailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang maiwasan ang pinangangambahang second o third wave gaya nang nangyari sa ilang bansa pagkatapos luwagan ang mga restriksyon, lalo pa nga’t halos apat na milyon na ang nagpositibo at halos tatlong daang libo na ang namatay sa nasabing virus na nagmula lamang sa isang probinsya sa Central China. Magkagayon man, kahit na matanggal pa ang community quarantine kalaunan, mukhang malabo nang magbalik sa dati ang buhay at kailangang makasanayan na ng mga tao na mamuhay sa ilalim ng tinatawag na “bagong normal.” “We sense that ‘normal’ isn’t coming back, that we are being born into a new normal: a new kind of society, a new relationship to the earth, a new experience of being human,” paliwanag ni Charles Eisenstein, aktibistang awtor ng The Ascent of Humanity, Sacred Economics, The More Beautiful World Our Hearts Know Is Possible, at Climate—A New Story.

Ang totoo, wala namang gaanong pagkakaiba ang sitwasyon ko sa gitna ng pandemya ngayon sa kalagayan ko bago naghasik ng nakamamatay na virus ang mga Intsik at nagpatupad ng lockdown sa halos lahat ng panig ng mundo. Mahigit tatlong taon na rin naman akong parang naka-“self-quarantine” mula nang mapilitan akong magbitiw sa pagtuturo pagkatapos ng halos dalawampu’t limang taon dahil sa mga gawa-gawang paratang na sexual harassment ng ilan sa aking mga estudyanteng abotlangit ang pagkasuklam sa akin bunga ng malimit na pang-iinsulto at panghihiya ko sa kanila. Naging halos reclusive o hermetic ang buhay ko sa loob ng mga nagdaang taon (gaya ni Emily Dickinson nang mga huling taon ng kanyang buhay sa Amherst). Madalang akong lumabas ng bahay, maliban na lang kung kailangan kong magpunta sa bangko, botika, at supermarket. Nakabuti naman na wala pang malalaking mall sa aming munisipalidad (Rodriguez, dating Montalban, kilala sa alamat ni Bernardo Carpio), kaya wala rin naman akong maaaring rampahan o tambayan. Bihirangbihira rin akong lumuwas sa Maynila dahil wala naman akong kailangang gawin doon at wala rin akong mga kaibigang dapat makita o katagpuin. Bago pa man nauso ang work from home sa panahon ng pandemya, dalawang taon na ring ganoon ang ginagawa ko bilang project-based editor at translator para sa isang publishing company sa bansa. Sa madaling salita, natutuhan ko nang mamuhay nang may kapayakan at pahalagahan ito. Sabi nga ng kapwa hobbit kong si J.R.R. Tolkien: “It is no bad thing to celebrate a simple life.” Labis-labis ang pagpapasalamat ko sa Diyos dahil naihanda ako ng mga pangyayari sa aking buhay nitong nakaraang tatlong taon para sa napakatinding krisis na kinakaharap ng buong mundo ngayon. Malinaw na sa akin ang kahulugan ng Proverbs 16:9: “God’s plan is perfect.”

Samantala, kailangan ko nang bumili ng mga gamot namin ni Mama ngayong araw. Halos dalawang taon na ang nakalilipas mula nang magpasiya si Mama na magretiro na sa Pilipinas pagkatapos ng mahigit tatlumpung taong pagtatrabaho bilang caregiver sa Amerika. May sapat nang naipon si Mama at malaki-laki rin naman ang kanyang buwanang pensiyon para makapamuhay nang komportable kasama ang kanyang pamilya. Ipinagpapasalamat din namin ito dahil alam namin na magiging napakahirap para sa aming lahat kung doon pa siya sa Amerika inabutan ng pandemya. Magkasama kami ni Mama sa bahay na binili ko nang magbitiw ako sa trabaho. Nakatira naman isang bloke lang mula sa amin ang nag-iisa at nakababata kong kapatid na si Joseph at kanyang pamilya. Freelance graphic artist si Joseph. Mayroon din silang water refilling station business na pinatatakbo nila ng hipag kong si Eloisa. Gaano man sila kaabala sa trabaho at negosyo, nakapaglalaan pa rin sila at kanilang mga anak ng oras para tulungan ako sa pagtingin kay Mama matapos siyang ma-diagnose ng mild dementia ilang buwan pagkatapos niyang makauwi. Maliban sa pagiging malilimutin, bugnutin, at makulit, hindi pa naman talaga kailangang alagaan si Mama. Gayon pa man, lagi naming tinitiyak na may kasama siya kapag kailangan kong lumabas ng bahay o kapag may kailangan akong tapusing trabaho.

Nang bumaba ako sa kusina, naabutan ko si Mama na abala sa paghahanda ng mga rekado para sa lulutuin niyang chicken curry. Naroon na rin ang pamangkin kong si Iñaki, nakaupo sa mesa at nakaantabay sa anumang ipagagawa ni Mama. Aaminin ko, si Iñaki ang paborito ko sa tatlong anak na lalaki ni Joseph dahil pareho kaming sirena. Gustung-gusto rin siya ni Mama dahil sa pagiging machica, masayahin, at masunurin. Grade 10 na siya sa darating na pasukan at laging nangunguna sa kanyang klase, kaya naman hindi ako nanghihinayang sa pagpapaaral sa kanya.

“Mukhang mapaparami na naman ang kain ko mamayang tanghalian,” sabi ko kay Mama.

“Ang figure mo, Tito,” panunukso ni Iñaki.

Ngumiti lang ako at ginusut-gusot ang buhok niya. Ayaw na ayaw ni Iñaki na ginugulo ang alun-along buhok niya.

“Bumili ka ng ensaymada at puto sa Goldilocks,” sabi ni Mama.

“Nailista ko na, Ma.”

“Dagdagan mo para mabigyan sina Joseph at Eloisa.”

“Yes, Ma.”

“Puwede buksan WiFi, Tito?” tanong ni Iñaki habang inaayos pa rin ang nagulong buhok.

“Go ahead.”

Pagkatapos kong i-check ang quarantine pass at isuot ang face mask ko, nagpaalam na ako kina Mama at Iñaki.

Palabas na ako ng bahay nang mag-text si Gael: “Sir Noah, andito na ako malapit sa gate.” Dalawang bloke lang naman ang layo namin mula sa gate ng aming subdivision, kaya hindi kailangang maghintay nang matagal ng binata. Ilang beses na akong nakasakay sa motorsiklo ni Gael. Ini-refer siya sa akin ni Joseph nang kailanganin kong kumuha ng pera sa bangko nang mga unang linggo ng lockdown. Hindi kasi niya ako maihatid dahil may kailangan siyang tapusing trabaho para sa isang kliyente. Maliban na lang kung kasama si Mama, hindi ko naman talaga nakagawiang magpamaneho kay Joseph sa kanilang SUV. Bago ang buhay sa panahon ng COVID-19, nakasanayan ko nang mag-tricycle lang kapag may kailangan akong bilhin o gawin sa labas.

Bagama’t hindi pinapayagan ang angkas sa motorsiklo, malakas ang loob ni Gael at nagagawa niyang makalusot kahit paano sa mga nagbabantay sa mga checkpoint. Napilitan lang naman talaga siyang ipampasada ang kanyang motorsiklo dahil pansamantalang nagsara ang pinapasukan niyang restaurant sa Marikina. Kailangan niyang humanap ng ibang pagkakakitaan para hindi magutom ang kanyang pamilya. Matagal na silang iniwan ng kanyang ama, at siya na lang ang nagtataguyod sa kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid na kapwa nag-aaral pa. Madiskarte si Gael, at nakatitiyak akong hindi siya kayang igupo ng mga hirap sa buhay.

Natipuhan ko si Gael sa simula pa lang at mas lalo pa nang minsang hubarin niya sandali ang kanyang face mask. Matangkad, balingkinitan pero maskulado (“twunk” sa Ingles, portmanteau ng “twink” at “hunk”), moreno, balbas-sarado, abot hanggang balikat ang buhok, at tadtad ng iba’t ibang tattoo ang mga braso. Nakatutunaw rin ang kanyang mga titig. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Sarawat kay Tine sa paborito kong Thai BL/yaoi drama series: “Keep looking at me like that, and I will kiss you till you drop.” Malamang na tawanan lang ako ni Gael kung sabihin ko iyon sa kanya. Sa tinagal-tagal ng pagtatrabaho niya bilang waiter, siguradong nasanay na siya sa mahahalay na hirit ng mahaharot na kustomer. Bagama’t wala namang girlfriend si Gael ngayon, hindi ko alam kung bukas siya sa pakikipagrelasyon sa bading. Mas tama sigurong gamitin ko sa kanya ang linyang ito ni Sarawat kay Tine: “Do you want to try? Get to know each other. You don’t have to like me very much. Just open your heart to me.”

Nadatnan ko si Gael na nakikipag-usap sa ilang opisyal ng aming Homeowners Association. Nakisali ako sa kanilang usapan tungkol sa mga mangyayari kapag nailagay na sa GCQ ang Rizal Province. Pagkaraan ng ilang sandali, nagpaalam na kami ni Gael, isinuot ang aming mga helmet, at sumampa sa kanyang motorsiklo.

“Kapit, sir,” sabi ni Gael.

“Puwede yakap?” pabirong tanong ko.

Tumawa lang ang binata.

Ipinatong ko ang kanang kamay ko sa kanyang balikat nang umarangkada na kami. Maingat magpatakbo si Gael, kaya laging panatag ang loob ko sa kahabaan ng biyahe. Aaminin ko, takot akong sumakay sa motorsiklo dati, pero binago iyon ni Gael. Naisip ko pa nga, ang sarap sigurong magbiyahe nang malayo habang nakaangkas sa motorsiklo ng binata.

“Mukhang makakabalik ka na sa trabaho next week,” sabi ko nang malapit na kami sa isa pang gate ng iba pang subdivision.

“Sana nga, sir.”

“Mami-miss kita.”

Tumawa lang uli si Gael.

Ilang minuto pa, nakalabas na kami ng main gate ng lahat ng subdivision. Inikutan namin ang maliit na rotonda at dumiretso sa maikling tulay kung saan may checkpoint sa bukana. Suwerte naman na hindi na kami pinansin ng mga nagbabantay. Mayamaya pa, binabaybay na namin ang pangunahing lansangan. Hindi ko na muna inistorbo si Gael para mas makapagpokus siya sa daan. Bahagyang bumigat ang trapiko nang malapit na kami sa munisipyo at simbahan. Subalit bumilis naman uli ang daloy makalagpas dito. Narating na namin ang Mercury Drug ilang sandali pa. Mabuti na lang at hindi mahaba ang pila sa labas. Nag-park si Gael sa gilid at bumaba na ako.

“Hintayin na lang kita dito, sir,” sabi niya.

Pagkatapos sumailalim sa mga protokol na ipinatutupad sa lahat ng establisimyento, pinapasok na ako sa loob ng botika. Iilan lang ang kustomer, at natawag agad ako hindi pa man nag-iinit ang puwit ko sa pagkakaupo sa isa sa mga nakahilerang silya. Sa loob lamang ng ilang minuto, nabili ko na ang mga gamot namin ni Mama.

Sinimulan nang paandarin ni Gael ang kanyang motorsiklo nang makita niyang papalabas na ako.

“Daan muna tayo sa Goldilocks,” sabi ko. “May ipinabibili lang si Mama.”

“Kumusta na pala Mama mo?” tanong ni Gael.

“Okey naman siya,” sagot ko. “Sinisiguro lang namin na naiinom niya lagi ang mga gamot niya.”

Tahimik naming binagtas ang daan. Mangilan-ngilan lang ang mga sasakyan, at mabilis naming narating ang Town Center. Kung pinapayagan lang ang dinein, yayayain ko muna sanang kumain si Gael. Marami pa akong gustong malaman tungkol sa binata. Idagdag pa, matagal-tagal na rin mula nang huli akong kumain sa labas na may kasamang lalaki. Dalawang taon na ang nakararaan nang lumabas kami ng huli kong boyfriend para ipagdiwang ang birthday ko. Pagkalipas ng ilang araw, hindi na siya nagparamdam at nagpakita (“ghosting” sa lengguwahe ng mga millennial). Inabot din ng halos limang taon ang relasyon namin ni Spencer bago siya tuluyang naglaho sa tunay at birtuwal na mundo. Mula nang iwan ko ang dati kong buhay sa siyudad at magsimula ng bago sa probinsya, naging madalang na ang pagkikita namin at unti-unti na rin siyang nawalan ng panahon para sa akin. Tinabangan na rin siguro si Spencer sa akin dahil sa pagiging kuntento ko na lang sa simpleng buhay. Dahil mas bata siya ng halos sampung taon sa akin, marami pa siyang gustong gawin at maabot sa buhay

Aaminin ko, gusto ko na uling magkaroon ng boyfriend. Pero sino naman ang magkakagusto sa isang tumatanda nang bading na tulad ko? Naalala ko ang sinabi ng isa sa mga dati kong kaibigang bading: “Kapag umabot ka na ng singkuwenta, kailangan mo nang gumastos sa lalaki kung gusto mo ng relasyon.” Masakit pero mukhang totoo. Sa edad ko ngayon (dalawang taon na lang at isa na akong golden girl), hindi na ako umaasang may papatol pa sa akin kung wala rin lang mapapala sa akin pagdating sa pera.

May tatlong nakapila sa harap ng Goldilocks, pero hindi ko naman kinailangang maghintay nang matagal dahil mabilis namang natapos sa pagbili ang mga naunang kustomer sa akin. Bukod sa ipinabibiling ensaymada at puto ni Mama, kumuha rin ako ng iba pang pastry. Binigyan ko rin si Gael para may maipasalubong siya sa kanyang pamilya.

Ilang sandali pa, muli naming binaybay ang paliku-likong daan pabalik sa aming subdivision.

KALALABAS KO lang ng banyo nang mag-text si Gael: “Nakauwi na ako, Sir Noah. Maraming salamat sa bigay mo. Malaking tulong ito sa amin.” Binigyan ko siya ng dalawang libo, higit na malaki sa dati kong ibinibigay sa kanya.

“No problem. Text ka lang kung may kailangan ka,” sagot ko sa kanya.

“Puntahan kita kapag puwede nang pumasok sa subdivision n’yo.”

“Asahan ko ‘yan.”

“Promise, sir.”

Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang pumutok ang pandemya, nakadama ako ng nag-uumapaw na saya at pag-asa. Naalala ko ang sinabi ni Archbishop Desmond Mpilo Tutu: “Hope is being able to see the light despite all the darkness.” Pagkatapos makapagbihis, bumaba na ako sa kusina para saluhan sina Mama at Iñaki sa masarap na tanghalian at kuwentuhan.