Sa Isang Kapwa Makata
(kay Marj)
Elynia Mabanglo
Hinahanap kita
Sa wagas na kahulugan ng tula.
Isa-isa, binabaybay ko
Ang mga salita,
Inaayos-ayos
Ang mga parirala,
Hanggang maging ganap
Na talinghagang
Iiwa sa unawa.
Ito ang pagkaing
Inihahain ng Diyos
Sanda-sandali,
Sa pag-asang maging walang hanggan
Ang kabuluhan.
Pagkaing nakapalamuti
Sa pinggan ng pagpapala,
Hindi madadalumat
Ng anumang pagdulog
Bagkus tinutunaw
Ng kirot at lugod—
Na sa paglao’y magiging Ikaw.
Kaibigan, ito’y kasunduan
Ng kaluluwa at utak,
Ng puso’t danas.
Wala mang lagda,
Kilala na ang may-akda.
Setyembre 2021