Dalit ng Pahimakas at Pag-ibig
Alma Cruz Miclat
Dalit sa Biyernes Santo
Kay tagal kang iniwasan
Kaakuha’y dinalisay
Bakit sa isang iglap lang
Bangis mo ay ipinataw.
Di naman dapat magbiro
Kahima’t April Fool’s Day pa
Pero itong pinili mo
Sabay ng semana santa.
Araw ngayon ng pangilin
May tawag na panalangin
Hiling ko sana ay dinggin
Pakinggan ang aking daing.
Sa iyong pagkabayubay
Katubusan ang ‘yong pakay
Para sa sangkatauhang
Sadyang iyong minamahal.
Sumasamo ako sa ‘yo
Sa Linggo ng pagkabuhay
Kami man ay magbanyuhay
Lakas, lusog ay ibigay.
02 Abril 2021
Dalit Sa Araw Ng Resureksiyon
Wala kang kalaban-laban
Sa mabangis na kaaway.
Libong sakit dinaanan
Lagi namang naigpawan.
Iba ang lupit ng Covid!
Ito ang aking dinibdib:
Di man kita nasamahan
Sa iyong huling hantungan.
Di alam ang susulingan
Napalipad sa kawalan
Nahati ang katauhan
Mabubuo? Di ko alam.
Kaya pala nagmadali
Mga tula’y pinag-iwi,
Inayos, may pagmamahal
At umabot sa Likhaan.
‘Sang koleksyon ng sanaysay
Sa akin ay ‘yong iniwan
Pangako ko minumutya
Aklat itong matatala.
Ang ‘yong nobela’y naiwan
Ang nais mo ay ganyan lang
Tingnan natin, aking mahal
Nais ko s’yang maitanghal.
Lumisan kang may iniwan
Hanggang huli’y lumalaban.
Sabi Niya’y pahinga na’t
Dami nang pinatunayan.
Sa Araw ng Resureksiyon
Siya ang sa ‘yo’y kumalong
Di kami dapat malumbay
Misyon mo ay matagumpay.
04 Abril 2021
DALIT Sa 40: Sa Piling ng Bathala
Apatnapung araw nga ba?
Tila isang kisapmata
Sa kabilang banda nama’y
Parang ang tagal tagal na.
Bakit ganyan pakiramdam?
Mundo’y kabalintunaan
May sa init, may sa lamig
Merong tuwa, may ligalig.
Parang ang mundo’y nagunaw
Sa tindi ng pamamanglaw
At ang puso’y humihiyaw
Dinig pa ang alingawngaw.
May lungkot ma’y may pag-asa
Tayo pa ri’y magsasama
Sadya tayong tinadhana
Buhay, kaluluwa’y isa.
Kaya’t ngayong araw na ‘to
Patitibayin ang dibdib
Haharapin ang hilahil
Mapa-unos, mapa-bagyo.
Alaala ay kay dami.
Sapat sapat nang iiwi
Hanggang magkakitang muli
Sa langit na itatangi.
13 Mayo 2021